Suportado ni Sen. Mark Villar ang SB 1822 (National Autism Care, Support, and Inclusion Act) para tiyakin ang maayos at sapat ang kalinga sa lahat ng Pilipinong nasa Autism Spectrum. Layon ng panukala gawing abot-kaya ang mga specialized treatment at palawakin ang suporta ng pamahalaan para sa mga pamilya at caregivers sa buong bansa. (CESAR MORALES)
ANG serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan, hindi dapat limitado sa mga nakaratay sa banig ng karamdaman, kundi maging sa mga dumaranas ng tinatawag na Autism Spectrum Disorder (ASD).
Sa isang kalatas, binigyang diin ni Senador Mark Villar ang kahalagahan ng Senate Bill 1822 (National Autism Care, Support and Inclusions Act) na naglalayong isulong ang inklusibong programa ng gobyerno sa mga may autism disorder.
Sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado sa SB 1822, nanindigan si Villar para sa 1.2-milyong autistic na Pinoy.
Base sa datos na kalakip ng SB 1822, isa sa kada 100 Pilipino ang positibo sa autism disorder. Pinakamataas aniya ang kaso ng autism disorder sa mga urban areas tulad ng Metro Manila at Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).
Gayunpaman, hindi aniya dapat balewalain ang kanayunan kung saan nagsisilbing hamon ang distansya at kakayahan ng mga pamilya tustusan ang gamutan — mula sa early diagnosis, screening at intervention.
“A large number of Filipino families live with limited access to specialists, intervention mechanisms, and therapies that could alleviate the conditions of their loved ones,” wika ng mambabatas.
Target ng panukalang batas itaguyod ang pambansang programa para sa mga mamamayang may autism disorder.
“Hindi dapat mabigat sa pamilya ng mga may autism disorder ang treatment and care plans… kailangan din natin isulong ang inclusive education, bukod pa sa career opportunities at tulong ng gobyerno sa nag-aalagang kaanak ng pasyenteng may autism disorder.”
“It is through this that we can provide dignified and sufficient access to treatment programs and care plans for persons with Autism Spectrum Disorder (ASD). By approving this bill, we also extend the much-needed support to their families who have been working hard to provide for their needs,” aniya pa.
