SA tulong sa Close-Circuit Television (CCTV) camera na nakakabit sa isang establisyemento, mabilis na tinugunan ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) ang reklamong inihain ng isang negosyante laban sa limang pulis-Maynila na sumalakay, nangotong at nanlilimas sa isang computer shop sa Sampaloc, Maynila kamakailan.
Sibak sa pwesto ang buong MPD – District Police Intelligence and Operations Unit (DPIOU) kabilang sina Staff Sgt. Ryann Tagle Paculan at Jan Erwin Santiago Isaac, Cpl. Jonmark Gonzales Dabucol, at Patrolman Jeremiah Sesma Pascual at John Lester Reyes Pagar.
Damay rin ang DPIOU chief na si Capt. Fino Casagan alinsunod sa doktrina ng command responsibility.
Sa imbestigasyon na ipinarating kay MPD Director Brig.Gen Andre Dizon, alas-11 ng gabi nitong Miyerkules nang pasukin ng limang pulis kasama ang sibilyan na si Menay Martinez ang isang computer shop sa may Matimyas St. kanto ng Susan St., sa Sampaloc.
Ayon sa may-ari ng, nagpakilala ang mga lalaki na mga pulis at nagsasagawa ng operasyon laban sa ilegal na sugal kung saan agad umano siyang hiningan ng P40,000 para hindi siya arestuhin dahil sa paglabag sa illegal gambling.
Bukod dito, tinangay umano ng mga pulis ang kita nilang P3,500 maging ang isang 500-GB computer hard drive, saka humirit pa umano ng P4,000 protection money kada linggo.
Ngunit lingid sa kaalaman ng mga pulis, nakunan ang kanilang ginawa ng CCTV sa naturang shop.
Hindi na nag-report sa kanilang himpilan ang mga pulis matapos nito.
Dito bumuo si Gen. Dizon ng tracker team para tuntunin ang limang pulis na nakatakdang sampahan ng patong-patong na kasong administratibo at kriminal.