
SA halip na masayang bakasyon, kamatayan ang kinahantungan ng limang indibidwal na nalunod sa mga lalawigan ng Batangas, Quezon at Oriental Mindoro sa mismong araw ng Biyernes Santo.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP) na nakabase sa Batangas, isang babaeng kinilala lang sa pangalang Khailyn ang natagpuang nakalutang sa swimming pool ng tinutuluyang resort sa Barangay Calubcub sa bayan ng San Juan.
Sa imbestigasyon ng lokal na pulisya, kasama ng biktima ang mga kaanak sa nasabing lokalidad para sa isang ‘religious retreat.’
Wala na rin buhay ng matagpuan bandang alas 9:00 ng gabi ng Biyernes Santo ang isang lalaki sa swimming pool ng resort sa Barangay Laiya Aplaya sa nasabi rin bayan sa Batangas.
Sa bayan ng Tuy sa lalawigan ng Quezon, nakita naman ang nakalutang na katawan ng isang Bobong Rivera sa ilog sa Barangay Malibu.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng lokal na pulisya sa kaso ng isang nagngangalang Charlie Licat na natagpuang patay sa baybaying bahagi ng Barangay Talao-Talao ssa Lucena City.
Pagkalunod rin ang nakikitang dahilan ng pulisya sa pagpanaw ng 21-anyos na si Alexis Trillana sa Kambal Bato Resort sa Barangay San Ignacio, bayan ng Baco, Oriental Mindoro.