
INIANUNSIYO ng Department of Transportation (DOTr) mula ngayong araw ay makikinabang na ang mga estudyante sa mas mataas na 50% diskwento sa pasahe sa mga linya ng LRT-1, LRT-2, at MRT-3.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, sapat nang magpakita ng valid school ID o proof of enrollment sa ticket booth upang makakuha ng diskwento.
Sakop ng benepisyo hindi lamang ang mga nasa basic education at college level kundi pati na rin ang mga kumukuha ng master’s degree at law school.
Sinabi pa ni Dizon, target din nito ang dagdag discount sa lahat ng mga estudyante gamit ang LRT-1, LRT-2 at MRT-3.
Aniya, yung dating 20% discount, iniutos umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawin itong 50%.
Simula ngayong araw, 50 percent na umano ang discount ng mga estudyante. Sa kasalukuyan, ipinatutupad ang diskwento sa mga single-journey tickets, ngunit tiniyak ni Dizon na malaking ginhawa ito sa libu-libong estudyanteng araw-araw sumasakay sa tren.
“Malaking tulong ito sa mga estudyante at kanilang mga pamilya, lalo na sa gitna ng mataas na gastusin sa araw-araw,” dagdag pa ng kalihim. (Edwin Moreno)