NAGBABALA ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko hinggil sa umano’y iligal at mapanlinlang na overseas job offers na naka-post sa social media.
Sa pahayag ng ahensya, partikular na tinukoy ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang insidente ng pagka-intercept kamakailan sa dalawang Pinay na muntik nang mabiktima ng human trafficking.
Saad ni Viado, “We are witnessing yet another case of online illegal recruitment, a deceptive tactic where workers are deceived by generous offers, but often end up working under exploitative conditions.”
Ang naturang mga babae aniya, na edad 32 at 48 anyos, ay pasakay ng Cebu Pacific flight patungong Singapore nang pigilan sila ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Base aniya sa ulat ng I-PROBES, nagsabi ang dalawang babae na magkaibigan sila at tutungo sa Singapore bilang mga turista.
Naghinala umano ang mga otoridad sa unang inspeksyon pa lang dahil hirap na hirap ang dalawa sa pagsagot kahit sa mga basic travel questions lang pati sa kanilang itineraries, at maraming discrepancies o hindi pagkakatugma ang kanilang mga pahayag.
Bunsod nito ay isinalang sila sa ikalawang inspeksyon, at sa gitna ng mabusising pagtatanong ay napaamin ang mga ito na hindi sila magtuturista sa SIngapore bagkus ay pupunta sa Albania kung saan anila may naghihintay na trabaho para sa kanila
Pag-amin ng mga biktima, naengganyo sila sa job offer sa Facebook, habang pinadaan naman sa WhatsApp ang kanilang travel and employment documents.
Nasa ilalim ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang dalawang hindi pinangalanang Pinay para sa imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa di tinukoy na recruiter.
Sinabi ni Viado na habang nagpapatuloy ang ganitong iskema ng deceptive o mapanlinlang na job offer ay dapat lalong paigtingin ng pamahalaan ang mga hakbang para masawata ang tinawag niyang pagsasamantala sa mga Pinoy na ang tanging hangad lang ay makapagtrabaho para iahon sa hirap ang pamilya.
Pinayuhan niya ang publiko na makipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno bago tumanggap ng anumang alok na trabaho sa ibayong dagat. (REGGIE VIZMANOS)
