
MATAPOS magpaandar sa nalikom na pondo para sa buwan ng Pebrero, humataw ang Bureau of Customs (BOC) sa isang operasyon sa lalawigan ng Sulu kung saan kumpiskado ang tumataginting na P1.4-binyong halaga ng mga smuggled na sigarilyo.
Sa kalatas ng BOC, Marso 2 nang pasukin ng mga operatiba ng Customs Intelligence and Investigation Division (CIIS) sa bisa ng Letter of Authority na pirmado ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio, ang isang bodega sa Barangay Kajatian sa bayan ng Indanan.
Ayon kay Rubio, isang timbre ng kanilang impormante ang nagtulak sa operasyon kaugnay ng ilegal na operasyon ng bodegang pinaniniwalaang pinaglalagakan ng mga smuggled na kontrabando mula sa karatig mga bansa sa gawing timog ng kapuluan.
Kasama ang Western Mindanao Command, Philippine Army, Philippine Air Force, Joint Task Force Sulu at Philippine Navy, sinalakay ang target na bodega kung saan tumambad ang sandamukal na kontrabando.
Paliwanag ni Rubio, higit na kailangan sa naturang operasyon ang presensya ng mga sundalo sa naturang bayang higit na kilalang kanlungan ng mga bandido.
Sa paunang ulat ng ahensya, pumalo sa 19,000 master cases ng iba’t ibang tatak ng imported na sigarilyong kargado ng tatak na B&E ice menthol, New Far menthol, Souvenir menthol, Cannon menthol, BroadPeak black menthol, at Bravo ang tumambad sa pagpasok pa lang ng bodega.
Batay sa salaysay ng mga operatiba, isang Nomil Arani ang dinatnan sa naturang pasilidad.
Agad na hinakot patungo sa Port of Zamboanga ang mga kontrabandong sinakay sa sasakyang dagat ng Philippine Navy. Pagdating sa Zamboanga, sinimulan ang imbentaryo sa harap ng mga kinatawan ng may-ari ng sinalakay na bodega.
“Remember that this happened in Sulu, in Indanan. Yet, despite how far Mindanao is from us, we made sure that distance won’t stop us from serving the LOA,” ayon naman sa pahayag ni Deputy Commissioner for Intelligence Juvymax Uy.
Sa mga nakalipas na panahon, kilala ang Mindanao na karaniwang bagsakan ng mga smuggled na kalakal kabilang ang sigarilyo, agr-products, armas, droga at iba pa.
“Simply put, we will stop at nothing and we will be present in every corner of the Philippines to make sure there won’t be space for these illegal activities,” dagdag ni Uy.
Patong-patong na kaso ang nakatakdang isampa laban sa may-ari ng bodega. Kabilang sa isinusulong na asunto ang mga paglabag sa Executive Order 245 (Amended Rules and Regulations Governing the Exportation and Importation of Leaf Tobacco and Tobacco Products), National Tobacco Administration Memorandum Circular 03 series of 2004, NTA Board Resolution 079-2005 at Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act of 2016).