NANGAKO ng patas at walang kikilingang imbestigasyon ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa ginagawang imbestigasyon sa nawawalang Ms Grand Philippines 2023 candidate Catherine Camilon.
Ito ay matapos mabatid na pulis ang sinasabing sangkot sa kaso.
“In the event that all the evidence gathered point to the subject police officer’s possible involvement, we assure the public of a fair, proper and impartial investigation,” ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos sa press statement.
Sinabi ni Abalos na dismayado siya sa pagkakasangkot ng pulis sa pagkawala ni Camilon na huling nakita sa isang mall sa Lemery, Btangas, noong Oktubre 12.
Iniutos na ni Abalos sa Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa insidente at gawin ang lahat para mailigtas ang nawawalang biktima at maibalik sa kanyang pamilya.
“Hindi po namin kukunsintihin o pagtatakpan ang maling gawain ng sino mang miyembro ng PNP,” sabi ni Abalos.
Sinibak na rin sa tungkuling ang police officer na sangkot sa insidente, ayon sa Police Regional Office (PRO) 4A.
Nanawagan na rin Abalos sa sinumang nakaaalam ng kinaroroonan ni Camilon na magtungo sa awtoridad upang makatulong para hanapin ang kandidata. Hinahanap din ang totoong may-ari ng sasakyan na ginamit ni Camilon ng araw na nawala ito.
Peke rin umano ang address na ibinigay nito sa kanyang deed of sale, ayon pa sa pulisya.
Ibinigay umano ng pulis ang sasakyan kay Camilon. Ito rin ang gamit ni Camilon nang araw na nawala ito.
Base sa CCTV footage na nakuha, noong Oktubre 12 ay nakita ang sasakyan ni Camilon sa ilang bayan sa Batangas.
Makikita rin umano na hindi nag-iisa sa sasakyan si Camilon.
Itinaas na sa P250,000 ang reward sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para mahanap si Camilon.