HINDI na nagawang isalba ang buhay ng isang babaeng idineklarang dead on arrival sa pagamutan matapos saksakin ng kapwa babae sa Novaliches, Quezon City.
Kinilala ang biktima sa pangalang Jennifer Vergara na nagtamo ng saksak sa likod gamit ang 12-pulgadang kitchen knife na narekober ng pulisya matapos madakip ang suspek na si Sheila Alano ng Barangay Gulod, Novaliches, Quezon City.
Sa imbestigasyon ng Novaliches Police Station, patalikod na sinaksak ng suspek ang biktimang sakay ng isang pedicab dakong alas 10:00 ng gabi sa kahabaan ng Kalye Sta. Barbara sa nasabing distrito.
Ayon sa testigong si Josephine Vergara na kasamang pasahero ng biktima, mabilis na tumakas ang suspek patungo sa Quirino Highway pagkatapos ng insidente.
Gayunpaman, mabilis na nadakip ang suspek sa mga rumespondeng pulis.
Narekober mula sa suspek ang isang kutsilyong ginamit sa krimen.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong murder, habang patuloy ang imbestigasyong naglalayong tukuyin ang motibo ng pananaksak.