PATAY sa barilan sa hanay ng mga unipormado ang isang sarhento matapos barilin ng kabarong Muslim sa loob mismo ng himpilan ng pulisya sa lungsod ng Taguig.
Kinilala ang nasawing biktimang si Executive Master Sgt. Heriberto Saguiped na miyembro ng Philippine National Police – Special Action Force (PNP-SAF), habang nasa kritikal na kondisyon sa isang pagamutan ang isang pang pulis na si Corporal Alison Sindac.
Nagtamo naman ng tama ng bala sa leeg ang suspek na si Chief Master Sergeant Al-Rakib Aguel – isang Muslim.
Sa paunang ulat, dakong alas 11:30 ng umaga nang umalingawngaw ang putukan sa loob ng Community Affairs Section ng lokal na pulisya sa loob ng Taguig City Hall Compound sa Barangay Tuktukan ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon, hindi umano nagustuhan ni Aguel ang inihandang sinigang na baboy para sa pananghalian ng mga miyembro ng Taguig Police Station.
Kwento ng mga saksi sa insidente, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan nina Aguel at Saguiped hanggang sa mauwi sa barilan sa loob ng naturang tanggapan. Matapos barilin si Saguiped, tinangka umanong umawat ni Sindac na siya namang pinagbalingan ng suspek.
Dahil sa nakaambang panganib ng nagwawalang kabaro, binaril ni Corporal Jestonie Señoron si Aguel.
Nang humupa ang gulo, mabilis na isinugod sa pagamutan sina Aguel, Sindac at Saguiped na binawian ng buhay bago pa man lapatan ng lunas. Nasa kritikal na kondisyon si Sindac na nagtamo ng tama ng bala sa ulo.