APAT na taon sa bilangguan ang naging hatol ng Pasay City Regional Trial Court sa isang blogger kaugnay ng kasong paglabag ng Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) na isinampa ng mga senador na tinawag niyang tuta ng Palasyo.
Matapos lumabas ang sintensya, isang pahayag naman ang inilabas ni dating Senate President Vicente Sotto III. Aniya, umaasa siyang magsisilbing babala sa lahat ng walang pakundangan mag-akusa ang guilty verdict ng husgado laban kay Edward Angelo “Cocoy” Dayao.
Taong 2017 nang i-post ni Dayao sa kanyang social media account ang bansag na “Malacañang lapdogs” sa mga noo’y nakaupong senador – kabilang si Sotto na noo’y tumatayong Senate President.
“I welcome the court decision. May this be a reminder to all of us that we should be more responsible to whatever we publish online,” pahayag ni Sotto.
Sa post, tinawag ni Dayao sina Sotto at Senators Aquilino “Koko” Pimentel III, Emmanuel Pacquiao, Gregorio Honasan, Juan Miguel Zubiri, Cynthia Villar, at Richard Gordon bilang tuta ng Palasyo dahil sa hindi paglagda sa resolution na kumokondena sa pagkamatay ng ilang minors sa war against drugs ng Duterte administration.
Sa kapasyahang nilagdaan ni acting Presiding Judge Gina Bibat-Palamos, pinatawan si Dayao ng dalawa at kalahating taon hanggang apat na taon at limang buwang pagkabilanggo.