SA pag-arangkada ng No-Contact Apprehension Policy (NCAP), hinikayat ni Senate President Francis Escudero ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tiyakin pantay, mabilis at “transparent” ang implementasyon ng makabagong paraan sa pangangasiwa sa daloy ng trapiko.
Para kay Escudero, hindi maiiwasan ang agam-agam ng publiko lalo pa’t hindi na mabilang ang mga insidente ng korapsyon sa pagpapatupad ng batas trapiko sa lansangan.
Diskumpyado rin ang hanay ng mga motorista sa desisyon ng Korte Suprema lusqwin ang temporary restraibing order (TRO) sa NCAP, gayundin sa kakayahan ng MMDA ipatupad ang batas kesehodang senador pa ang lumabag.
Kabilang sa mga usaping inilutang ni Escudero ang tinatawag na “due process” at ang paraan ng pagpapabatid o paghahatid ng notice of violation (NOV).
Base sa impormasyon na ibinigay ng MMDA, binanggit ni Escudero na “this will take time and as such there are potential problems that will come up.”
Alinsunod sa fact sheet na ipinalabas ng MMDA sa publiko, magkakaroon ng initial review sa violation at pagkatapos, beberipikahin ang rehistro ng sasakyan sa Land Transportation Office.
Kapag nakuha ang lahat ng impormasyon at naipasok sa NCAP system, ipapadala ang NOVs sa registered address ng mag-ari ng sasakyan sa pamamagitan ng PhilPost.
Ayon kay Escudero: “It is only when the NOVs are received by the concerned motorists that they can start the appeals process if they wish to challenge the basis of the apprehensions.”
“Lumalabas na matagal ang buong proseso at via snail mail pa ang pagpapadala ng NOVs. Maaaring pag dumating na ang NOV ay hindi na matandaan ng motorista ang umanong violation. Ang dapat dito ay araw lang ang bilang—mas mabilis mas maganda,” ayon sa lider ng Senado.
Maaaaring lumobo ang multa sa hindi pagbabayad kapag nawala ang NOVs sa pahatid-sulat sa anumang kadahilanan.
“MMDA should also utilize emails for motorists if these are available in their system in order to expedite the process,” ayon sa senador.
Pinatututukan din ni Escudero sa MMDA ang problema sa lane markings, traffic lights at signages dahil ito aniya ang magiging dahilan sa maraming paglabag o paghuli.
“Evidence should be clear and as much as possible, indisputable. Enforcement of traffic rules and regulations should be consistent. It must be applied to all, no exceptions. This is how programs such as the NCAP will be justified and later on, accepted by all,” aniya.
“Dapat matanggal sa isip ng mga motorista na ang NCAP ay isang paraan lang para kumita ang MMDA o gobyerno at ang pagsasaayos ng pagpapatupad nito at ng mga batas trapiko ang pinaka-importanteng hakbang para maging katanggap-tanggap para sa lahat an g programang ito.” (ESTONG REYES)
