NASA 129 katao ang nalagay sa peligro matapos tumagilid ang isang pampasaherong barkong naglalayag malapit sa Banton Island sa lalawigan ng Romblon.
Ayon kay Gaywaneth Kristine Musico ng Banton Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, agad naman nasagip ng mga rumespondeng kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 93 pasahero at 36 tripulante ng MV Maria Helena ng Montenegro Shipping Lines.
Sa paunang ulat na nakalap ng lokal na pamahalaan, dakong alas-10:30 ng gabi nang makatanggap ng distress call ang PCG sa Romblon, hudyat para sa agarang pagresponde sa naturang lugar.
Lulan din ng barko ang 16 sasakyang kargado ng mga kalakal.
Ayon kay Musico, may pumutok na gulong ng isang truck, dahilan para maputol ang lubid na kumakapit sa naturang sasakyan. Pagdausdos ng nasabing truck, tinangay ang iba pang sasakyang sa isang bahagi ng MV Maria Helena hanggang sa tuluyang tumagilid ang barko.
Kwento ni Rey Sargumba na tumatatong chief mate ng MV Maria Helena, sa may bahagi pa lang ng Dos Hermanas Island ay hinampas na sila ng malalaking alon at tumagilid ang barko kaya tumagilid din ang mga sakay na truck.
Sinubukan pa umano ng mga tripulanteng ayusin ang mga tali ng mga sasakyan. Pero sa lakas ng alon ay hindi na kinaya at naputol na ang mga tali.
Dito na aniya napilitan na ang kapitan na isadsad ang barko para maiwasan ang malaking aksidente.
“Nag-intentional beaching kami kapag nasa laot po kami. Panay pasok na ang tubig sa barko, baka lulubog ‘yong barko, marami madidisgrasya, kaya nag-intentional beaching,” ani Sargumba.
Bandang alas-2:00 ng madaling araw kanina nang masagip ang lahat ng pasahero at tripulante.
Galing Lucena City, Quezon ang barko at patungo sana sa Tablas Island sa Romblon.