MABILIS na paglobo ng mga kumpirmadong nasawi bunsod ng kagat ng lamok sa nakalipas na dalawang linggo ang nagtulak sa Quezon City government para magdeklara ng dengue outbreak sa lungsod.
Sa isang kalatas, partikular na pinagbatayan ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QC-ESD) ang umano’y 10 katao – kabilang ang walong menor-de-edad na binawian ng buhay mula Pebrero 1 ng kasalukuyang taon.
Batay sa pinakabagong datos ng QC-ESD, pumalo na rin sa 1,708 ang naitalang kaso ng dengue simula Enero 1 hanggang Pebrero 13 ngayong taon.
Sa nasabing bilang, pinakamarami umano sa mga tinamaan ng dengue ang mga batang edad 10-taong gulang pababa.
Gayunpaman, nilinaw ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na hindi hangaring ng lokal na pamahalaan lumikha ng takot sa mga residente ng lungsod.
Layon lamang aniya ng lokal na pamahalaan maging alerto ang mga QCitizens.
