HINDI na bago ang pagpila sa mga tanggapan ng gobyerno. Gayunpaman, hindi dapat magdulot ng sukdulang abala ang prosesong kalakip ng mga transaksyon sa pamahalaan, ayon kay Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian.
Kasabay ng paglulunsad ng online DOTBOT, isang innovation project na bunga ng kasunduan sa ilalim ng CovTech Acceleration Program ng Creative HQ sa pagitan ng Pilipinas at New Zealand, kumpyansa si Gatchalian sa aniya’y pinabilis na proseso sa tulong ng makabagong teknolohiya.
Sa ginanap na Ph-NZ Government Innovation Exchange Showcase sa Multi-Purpose Center ng Barangay Malinta, bumida ang “isang user-friendly chatbot” sa ilalim ng FB Messenger app na maaaring magamit sa pag-aaplay para sa iba’t ibang social welfare services tulad ng medical, burial at transpo assistance.
Malaking bentahe rin ani Gatchalian ang DOTBOT sa social case study ng mga nag-aaply ng Certificate of Indigency sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO), lalo pa aniya’t hindi na kailangan pang personal na magtungo sa bahay-pamahalaan ng lungsod.
Mapag-iisa na rin ani Gatchalian ang mga datos sa centralized database kung saan ilalagak ang lahat ng impormasyon ng mga residenteng dapat tulungan ng lokal na pamahalaan.
“Isa po sa suliranin natin dito sa city hall ay ang mahabang mga pila, kaya naman po pinapakilala ko sa inyo si DotBot, ang bagong state-of-the-art project natin sa CSWD Office para maging paperless na ang CSWD Office at mabawasan ang pila dito sa munisipyo,” ani Mayor Gatchalian.
“Natutuwa ako na isa sa mga proyektong naiwan ko ay mai-lalaunch na ngayon, ang pag-automate at pag-digital ng serbisyo ng pagtulong sa ating mga mamamayan. Ang mga tanong ninyo ay hindi na kailangan pang sadyain sa city hall. Makakapagtanong na kayo online para pagpunta niyo ng city hall diretso processing na ng ayuda.”