
HINDI pa man ganap na natatapos ang pagdinig ng quad committee ng Kamara kaugnay ng drug smuggling na kinasasangkutan ng limang bigating personalidad – kabilang ang dalawang “peradista,” nagpahiwatig na ang korte sa posibleng mangyari sa kanila.
Sa desisyon ng Manila Regional Trial Court, hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo si dating customs broker na si Mark Ruben Taguba at dalawang iba pa, bunsod ng pagkakasangkot sa umano’y pagpupuslit ng P6.4 bilyon halaga ng drogang mula apa sa bansang China.
Sa 37-pahinang desisyon ni Judge Rainelda Estacio-Montesa ng Manila RTC Branch 46, napatunayang nagkasala ng walang bahid alinlangan si Taguba, kasama sina Eirene Mae Tatad (consignee ng kontrabando) at negosyanteng si Dong Yi Shen, alyas Kenneth Dong sa kasong paglabag sa Section 4 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Pinagbabayad din ng husgado ang mga sentensyado ng tig-P500,000 multa.
Batay sa rekord ng korte, Mayo 2017 nang nasabat ng mga operatiba ang shipment na kargado ng 602,279 kilo ng droga.
Samantala, inilagay sa archive ang kaso laban sa iba pang indibidwal na sangkot din sa naturang kaso — Chen Julong alyas Richard Tan, Li Guang Feng, Teejay Marcellana at Chen I-Min.
Samantala, binabalangkas na rin ng quad committee ang rekomendasyon hinggil sa nabistong drug smuggling ng sindikatong di umano’y kinabibilangan ni former presidential economic adviser Michael Yang, Davao City Rep. Paolo Duterte, Atty. Mans Carpio na kabiyak ni Vice President Sara Duterte. Kaladkad din sa kontrobersiya ang dalawang dating presidente ng National Press Club.