
NI EDWIN MORENO
SA hangaring tiyakin ang kaligtasan ng mga dadagsa sa mga shopping malls at at iba pang commercial establishments, hindi pahihintulutan ng Philippine National Police (PNP) ang pagsusuot ng costume sa hanay ng mga security guards na nakatalaga sa mga mataong establisyemento.
Kasabay ng pagdiriwang ng ika-44 anibersaryo ng PNP Civil Security Group (PNP-CSG), pinaalalahanan ni Major Gen. Leo Francisco ang pamunuan ng mga malls.
Aniya, hindi maaaring magsuot ng Christmas costumes ang mga guwardiya para hindi lumikha ng kalituhan sa hanay ng mga taong dadagsa sa papalapit na araw ng Pasko.
Ayon kay Francisco, posibleng gamitin ng mga kriminal ang pagkakataon upang makapambiktima. Hindi rin aniya angkop ang mga Christmas costumes na sagabal sakaling kailangan ang agarang responde sa loob ng binabantayan establisyemento.
Dapat aniyang gamitin habang nasa duty ang tamang uniform para mas madaling matukoy ang mga security guards.
Kung nais umano ng pamunuan ng mga shopping malls at commercial establishments na ipadama ang diwa ng kapaskuhan, ;pwede naman aniyang magsuot na lang ng Santa hat.
Babala pa ng opisyal, kakasuhan din ang mga security agency batay sa Section 14 ng Republic Act 5487 (Private Security Agency Law).
Nilinaw ni Francisco na seguridad ng lugar na binabantayan at mga mamimili ang dapat pagtuunan ng mga security guards, gayundin ang daloy ng trapiko sa paligid ng establisyemento.