HUSTISYA ang panawagan ng pamilya ng 15-anyos na estudyanteng tumalon sa gusali ng paaralan sa Quezon City kamakailan.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-12:30 ng tanghali noong Biyernes (Marso 6), nang tumalon umano ang grade 7 na biktima sa gusali ng paaralan sa Barangay Sacred Heart, Quezon City.
Ayon kay P/SSg Jomar Valdez ng Kamuning Police Station 10, nakita umano ng guro ang biktimang kausap ang kanyang ina sa cellphone sa loob ng kanilang silid-aralan sa ground floor.
Dahil dito, inutusan ng guro ang biktima na sa labas kausapin at tapusin ang pakikipag-usap sa ina.
Pero makalipas ang ilang sandali, nakarinig umano ang guro ng kaguluhan sa labas at nang suriin, nadiskubre niyang duguan nang nakahandusay sa ground floor ang biktima.
Sa isinagawang imbestigasyon, bago ang insidente, nasangkot sa suntukan ang biktima sa kanyang menor de edad na kaklase.
Agad umano niyang ipinaalam sa kanyang co-teacher ang tungkol sa insidente, na pagkatapos ay tumawag sa 122 upang humingi ng tulong medikal.
Dinala sa Capitol Medical Center ang biktima, pero binawian din ito ng buhay alas-11:46 ng umaga noong Sabado (Marso 7) sanhi ng ‘neurogenic shock due to antecedent cause brain herniation and underlying cause of acute subdural hemorrhage.’
Pero ayon sa pamilya, biktima ng bullying ang estudyanteng nagpatiwakal.
“May seizure disorder mula pa noong 5 years old siya. Simula bata pa siya ay nagkakaroon na siya ng seizures at umiinom ng maintenance medication tulad ng Phenobarbital,” saad sa Facebook post ng pamilya.
Sa kabila anila ng kondisyon ng biktima, normal na bata umano ito at sa katunayan ay may certificate mula sa doktor na pwede siyang mag-aral sa regular school.
“Masayahin siyang bata. Palangiti. Marunong makisama. Mahilig makipagkaibigan. Matino siyang kausap at normal siyang kumilos at magsalita.”
May video umano sila na binu-bully ang biktima at habang sinasaktan ay may maraming estudyante ang nakapaligid na nagyo-yowyow at nagche-cheer pa sa nambubugbog.
Sinubukan umano nilang ipa-kick out ang estudyanteng nambugbog sa biktima. Laking pagkadismaya ngpamilya nang mabalitaan na “homeschool” lang ang rekomendasyon ng adviser.
Nilinaw pa ng pamiya na noong araw na sinasabing tumalon sa gusali ang biktima ay nakainom ito ng maintenance medication.
“Hindi violent na bata ang kapatid namin kung walang nagti-trigger sa kanya. Kung may mga pagkakataon na nagiging reactive siya, kadalasan ay dahil sa sobrang ingay, pang-aasar, o stress.”
“Maraming beses na nakaranas ng pang-aapi ang kapatid namin sa school. Ninanakawan siya ng gamit, umuuwing may bakat ng sapatos sa likod ng uniform niya, pinagtatawanan at pinagtitripan.”
Giit ng pamilya, nais lang nilang malaman ang totoong nangyari dahil nakapagtataka umanong hindi lumabas sa balita ang nangyari, walang kaklase o estudyante ang nagpost tungkol dito, at parang may news blackout sa social media.
Dumating na rin umano ang principal at Department of Educatin (DepEd) regional director, pero napansin umano ng pamilya ng biktima na iba-iba ang sinasabi ng mga teacher sa kanilang mga salaysay.
