Ni Lily Reyes
NAHAHARAP sa kasong child abuse at pagkakalat ng ‘fake news’ ang isang teacher na nasa likod ng viral video ng isang pulis na diumano’y nagpahinto sa daloy ng trapiko sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City upang bigyang-daan ang aniya’y parating na VIP.
Sa pagharap ng gurong si Janus Munar sa Quezon City Prosecutor’s Office, isinangkalan ang aniya’y kalayaan ng bawat mamamayang Pilipino na magpahayag ng saloobin.
Si Munar na nagpakilalang isang teacher na nagtuturo ng contemporary issues, politics at governance sa isang pamantasan sa lalawigan ng Laguna.
Sa kanyang inilabas na video, partikular na binanggit ni Police Executive Master Sergeant Verdo Pantollano ang katagang “VP” — sa halip na “VIP” — nang usisain ng mga motorista ang dahilan sa pagpapatugil sa daloy ng trapiko.
Gayunpaman, agad na binawi ni Verdo ang pahayag matapos umalma si Vice President Sara Duterte sa Quezon City Police District (QCPD) kung saan iginiit ng Pangalawang Pangulo na hindi siya ang sinasabing VIP na daraan sa nasabing lugar.
Nagsampa ng reklamo si Pantollano laban kay Munar dahil sa umano’y paglabag sa Article 154 (unlawful means of publications) ng Revised Penal Code at Republic Act 7610 (Anti-Chil Abuse Law) na kapwa may kaugnayan sa RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
Ayon kay Pantollano, lubhang nabagabag ang kanyang pamilya — partikular ang 13-anyos niyang anak dahil sa video. Katunayan aniya, ayaw nang lumabas ng kanyang anak sa kanilang tahanan dahil sa matinding kahihiyan.
Agad naman nagsumite ng counter-affidavit si Munar sa Quezon City Prosecutors Office. Sa kanyang 10-pahinang tugon sa alegasyon, hiniling ng guro na ibasura ang reklamong inihain laban sa kanya.
“At nagulat din po ako with the filing of the child abuse law, parang andali-dali manira ng pangalan, kasi I built my reputation for 18 years already as a teacher, ni wala akong inabusong bata. Pero ngayon sinasampahan ako ng child abuse kaya nagulat ako,” giit ni Munar sa panayam ng mga media.
Binigyang-diin naman ni Free Legal Assistance Group national chairperson Dean Chel Diokno, abogado ni Munar, na walang ginawang ilegal ang kanyang kliyente at hindi rin ito nagbahagi sa publiko ng fake news.
Paliwanag niya, ang ginawa lang naman ni Munar ay katulad ng ginagawa ng milyong Pilipino na nagbabahagi ng video ng isang “public official performing public function in a public place.”
Sa counter-affidavit, iginiit din ng guro na walang mali sa kanyang post, o sa paglalarawan kay Duterte bilang “Confidential Queen” dahil ginagamit lamang niya ang kanyang “freedom of expression.”
Karagdagang Balita
ECOWASTE: WAG IDAMAY MGA PUNO SA PANGANGAMPANYA
NCRPO CHIEF KINAPON SA REKLAMONG KOTONG
DENGUE ALERT: METRO MANILA PASOK NA SA CRITICAL LEVEL