aNO
HINDI malayong maunsyami ang pangarap ng isang konsehal na maging kongresista sa bisa ng petisyon kaugnay ng disqualification case na inihain sa Commission on Elections (Comelec).
Sa isang pahayag, nanawagan ang isang Gaudencio Babasa Jr. sa Comelec para tugunan ang Motion for Reconsideration kaugnay ng naunang desisyon ng poll body sa isinampang disqualification case laban kay Makati 2nd district congressional candidate at Dennis Almario.
Ang dahilan – hayagang paglabag sa Section 78 ng Omnibus Election Code.
Batay sa petisyon ni Babasa, lumalabas na itinago ni Makati City Councilor Almario ang madilim na yugto sa kanyang nakaraan. Partikular na tinukoy ni Babasa ang kasong drug dealing na umano’y dahilan ng pagkabilanggo ni Almario sa New Jersey sa Estados Unidos.
Aniya, malinaw ang nakasaad sa Omnibus Election Code – “The failure to disclose conviction of crimes punishable by imprisonment of more than 18 months or classified as crimes involving moral turpitude goes into the heart of the eligibility of the candidate.”
Giit ni Babasa, may sapat na dahilan para i-diskwalipika ng Comelec ang naturang kandidato para kongresista sa ikalawang distrito ng Makati City.
Base umano sa official records ng New Jersey Judiciary, hinatulan ng New Jersey Court si Almario sa kasong drug dealing. Ang parusa — pagkakakulong ng limang taon.
Bukod sa drug dealing, nahatulan din umano ang Makati City councilor ng 44 days jail term at two years’ probation bunsod naman ng bukod na kasong burglary.
“These are material representations which may be utilized as grounds to cancel or deny due course to a certificate of candidacy under Sec. 78 of the Omnibus Election Code,”anang petitioner.
Enero 21 nang isinantabi ng Comelec First Division ang naturang disqualification case dahil hindi umano properly authenticated ang mga isinumiteng dokumento subalit binanggit ang Supreme Court (SC) jurisprudence na ang kabiguan ng isang kandidato na ipagbigay-alam ang kanyang conviction sa crime against moral turpitude ay masasabing isang ‘false material representation’.
Sa pinakabagong mosyon, binigyan-diin ni Babasa na ang mga isinumiteng ebidensya ay self-authenticating sa ilalim ng Sec. 19(a) ng Rule 132 ng Revised Rules of Evidence, na kinikilala ang official records mula sa foreign tribunals bilang public documents.
“The authentication is only required for private documents, not for official court records,” hirit pa ng petitioner.
“The respondent never denied that the subject of the Case Files attached to the Petition was him. He merely denied the authenticity of the documents. His failure to deny the said allegations clearly show that he has admitted the said convictions.”
Samantala, nagsumite rin si Babasa ng isang certified at apostilled Judgment of Conviction, na inisyu ng Superior Court of New Jersey, upang lalong pagtibayin ang hiling niyang bawiin ng Comelec First Division ang nauna nitong desisyon at tuluyang nang ipawalang-saysay ang kandidatura ni Almario bilang kinatawan ng Makati City 2nd Congressional District.
