UMAABOT sa higit 7,000 tauhan ng Manila Police District (MPD) ang ipakakalat sa prusisyon ng Itim na Nazareno sa Enero 9 sa pagbabalik ng tradisyunal na Traslacion pagkatapos ng tatlong taon dahil sa pandemya.
Ayon kay MPD Director P/Col Thomas Arnold Ibay, inaasahan aniya na posibleng mas marami ngayon ang magpunta dahil tatlong taon itong natigil mula noong 2021.
Nitong Sabado, ang mga opisyal ng Simbahan ng Quiapo o Minor Basilica ng Black Nazarene ay nagsagawa ng walkthrough mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo kung saan dadaana ang Traslacion at prayer stations.
“Itong paghahanda natin ay mahalaga para maging tapat tayo sa layunin natin na iyong ating Nazareno 2024 ay maging mapayapa, banal at ligtas,” sabi ni Fr. Jesus Madrid Jr., parochial vicar ng Quiapo Church.
Pinagbawalan naman ang mga deboto na umakyat sa andas ngunit maaari silang maghagis ng kanilang bimpo sa imahe.
Tuwing Enero 9 ipinagdiriwang ang taunang tradisyunal na Traslacion o prusisyon sa andas ng Black Nazarene kung saan milyong deboto ang nakikiisa sa nasabing aktibidad.
Ang araw ng kapistahan ng Itim na Nazareno ay ipinagdiriwang tuwing Biyernes Santo, habang ang Quiapo Church, na pinangalanang kanonikal na Parokya ni San Juan Bautista, ay nagdiriwang ng anibersaryo nito tuwing Hunyo 24, ang kapistahan ni San Juan Bautista.