SUICIDE umano ang anggulong tinututukan ng kapulisan sa pagyao ng beteranong actor na si Ronaldo Valdez, Ronald James Dulaca Gibbs sa tunay na buhay, ayon sa Quezon City Police District ngayong Lunes.
Ang aktor, 77, ay dumaranas umano ng depresyon matapos ang operasyon sa prostate cancer noong Disyembre 2022 sa Cardinal Santos Hospital.
Sinabi ng kanyang driver na si Angelito Oclarit, natagpuan niya si Valdez na duguan sa kanyang upuan. Hawak nito ang baril sa loob ng kanyang bahay sa New Manila, Quezon City, Linggo ng hapon.
Sinabi ni Crime Operatives QCPD Forensic Unit P/Cpt. Adhrin Domingo na nakuha nila ang isang caliber .45 Norinco pistol na may serial number 454697 sa tabi ni Valdez.
Nagtamo ito ng tama ng bala sa kanan at kaliwang sentido at hinihinalang nag-suicide.
Ayon kay QCPD Director P/Brig. Gen. Red Maranan, hindi pa nila makumpirma ang anggulo ng suicide hanggang hindi pa natatapos ang laboratory test results.
“May inintay pa result ng lab exam from SOCO, before we can conclude,” ayon kay Maranan.
Si Valdez ay isa sa pinakapopular na aktor sa kanyang henerasyon na nagsimula anim na dekada na ang nakararaan.
Huli itong napanood sa 2 Good 2 Be True ng ABS-CBN kung saan gumanap na Lolo Sir.