TINATAYA sa 136,000 litro ng hinihinalang smuggled diesel ang sinamsam sa limang truck at isang tanker sa Mariveles, Bataan, Sabado ng gabi.
Isinagawa ng mga operatiba ng NBI-Anti Organized and Transnational Crimes Division at BOC kung saan 16 fuel trucks ang nakapila sa isang pribadong establisimyento.
Kinumpiska ng awtoridad ang limang truck na may karga nang smuggled na disel.
Kinuha rin ang M/T Lorna-2, na may laman na 80,000 hanggang 100,000 litro ng fuel, ayon kay BOC Special Agent 1 Lesster Kibanoff.
Tinataya sa P147 milyon ang halaga ng mga ito.
“Gabi na namin pinasok ito, at yung pagpasok natin, nagkaroon ng habulan… ‘Yung dalawang barko, naabutan namin nandito nagdi-diskarga at nakapila ang mga trak. Na-confirm natin na ‘yung 16 na trak dito, 5 dito ay nakargahan na,” sabi ng abogadong si Mark Santiago, executive officer sa NBI-AOTCD. “Mabilis sila, operations nila. Kapag nag-operate sila, sarado lahat ng ilaw nila… Iimbestigahan natin at kakasuhan ang mga dapat kasuhan. May mga truck driver na iniwan na ‘yung truck nila,” dagdag pa nito.
Ang ni-raid na establisimyento ay isang repair site para sa mga barko at nakarehistro sa Barangay Alas-Asin.