HINDI kailanman mawawala ang pagbaha sa Metro Manila hanggat barado ang mga estero at kanal na dinadaluyan ng tubig ulan patungo sa Manila Bay, ayon sa isang dalubhasa sa larangan ng Environmental Impact Assessment.
Sa isang kalatas, hayagang sinabi ni Dr. Ed Alabastro, isang Environmental Impact Assessment expert, na hindi dapat ibunton ng mga nagpapakilalang environmentalists ang mga pagbaha sa Metro Manila sa kontrobersyal na Manila Bay Reclamation Project.
Paliwanag ni Alabastro, matagal nang problema ang pagbaha sa Metro Manila kahit noong wala hindi pa nagsisimula ang Manila Bay Reclamation Project.
“The root cause of this problem is our clogged drainages and waterways. Water cannot flow freely through these channels because they are obstructed by garbage and other plastic materials,” ani Alabastro.
Wala rin aniyang katotohanan ang nagdudulot ng land subsidence, tsunamis at pagtaas ng sea level ang Manila Bay Reclamation Project. Sa halip aniya, dapat silipin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang labis-labis na paghigop ng tubig ng mga deep well sa kabisera.
“Land subsidence is not due to reclamation at sea, but to over extraction of deep well water,” aniya pa kasabay ng paliwanag na ang pagbaba ng top surface ay bunga ng espasyong nalilikha sa tuwing hihigop ng tubig ang mga deep well na karaniwang gamit ng mga malalaking pabrika at industriya.
Hindi rin pinalusot ni Alabastro ang mga dating pamunuan ng National Water Resources Board (NWRB) na nagbigay pahintulot sa tinawag niyang “subsurface earth materials extraction.”
Sa pag-aaral na isinagawa ng eksperto sa likod ng Manila Bay Sustainable Development Master Plan (MBSDMP), 12 milyong residente ng Metro Manila ang babahain pagsapit ng 2040 dahil sa over-extraction ng mga deep well.