
PAGKATAPOS ideklara ang Food Security Emergency sa supply ng bigas, target naman ngayon ng Department of Agriculture isunod ang karne ng baboy bunsod ng labis na pagtaas ng presyo sa merkado.
Sa isang pulong-balitaan sa Malacañang, inamin mismo ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na masusing pinag-aaralan ng kagawaran ang posibilidad na magtakda na rin ng maximum suggested retail price (MSRP) sa bentahan ng karne ng baboy sa iba’t ibang panig ng bansa.
Gayunpaman, nilinaw ni Laurel na kailangan muna dumaan sa tamang proseso ang naturang hakbang. Bilang pambungad, nakatakdang ipatawag ng DA ang mga tinawag niyang “stakeholders” para sa konsultasyon.
Kabilang aniya sa mga aanyayahan ang hanay ng mga nag-alaga ng baboy at retailers para hinga ng paliwanag sa biglang sirit sa bentahan ng baboy sa palengke.
Batay sa datos ng ahensya, pumalo na mula P380 hanggang P480 ang kada kilo ng baboy sa mga pamilihan sa National Capital Region.
“Yung pork at itlog medyo na-mention and the President (Ferdinand Marcos Jr.) took particular interest. Kung makita natin na may profiteering yan, then definitely we will be doing an MSRP also for pork,” ani Laurel.
Anang Kalihim, hindi dapat malaki ang agwat ng presyo sa palengke at sa P240 farmgate price ng baboy.