POSIBLENG bahain ang ilang bahagi ng Quezon City at mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela sa sandaling umabot sa spilling level na 80.15 meters ang lebel ng tubig na nakaimbak sa La Mesa Dam.
Nanawagan rin ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) sa mga lokal na pamahalaan na agad paghandaan ang paglikas ng mga residente bunsod ng napipintng pag-apaw ng dam.
Ayon kay Pagasa Hydrologist Rosalie Pagulayan, inabisuhan na rin ng kanilang ahensya ang mga nabanggit na pamahalaang lungsod na paghandaan ang paglikas ng mga residente malapit sa Tullahan River kung saan inaasahang dadaloy ang tubig na liligwak mula sa dam.
Dakong alas 6:00 kanilang umaga (Hulyo 30), nasa 79.79 meters na ang water level ng La Mesa Dam – at inaasahang tataas pa kung magpapatuloy ang mabigat na buhos ng ulan.
Aniya pa, kusang aapaw ang La Mesa Dam sa antas ng 80.15 meters.
“Since the dam has no flood control components, the excess water will overflow into the Tullahan River and nearby communities,” wika pa ni Pagulayan.
Kabilang sa inaasahang babahain ang mga lugar ng Barangay Fairview, Forest Hills Subdivision, Quirino Highway at Sta. Quiteria sa Quezon City at maging ang apat na lungsod sa Camanava area.
“The concerned local government units have already been warned so that they can properly advise especially those residents living near river banks to be on alert and possibly be ready to be evacuated in anticipation of possible flooding.”