SA halip na aluin, binalaan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga driver at operators ng pampasaherong jeepney na sasama sa ikinakasang tatlong araw na tigil-pasada na isasabay sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Banta ni LTFRB chief Teofilo Guadiz III, posibleng maharap sa kaparusahan ang mga lalahok sa tatlong-araw na tigil-pasada. Kabilang sa aniya sa mga posibleng ipataw na kastigo ang kanselasyon ng prangkisa.
“Mag-isip isip ho kayo. Baka pagkatapos ng inyong tigil pasada, matigil na talaga ang inyong pamamasada….Mananagot ho sila sa LTFRB,” panakot ni Guadiz.
Una nang nagbanta ng tatlong araw na tigil-pasada ang transport group na Manibela bilang protesta sa umano’y panggigipit sa marami nilang miyembro na pinagkakaitan ng ruta sa ilalim ng government route rationalization plan kaugnay sa modernization program.
Sa ilalim ng programa kailangan umano ng isang tradisyunal na jeepney drivers na mapasama sa kooperatiba o korporasyon, saka lamang doon sila mabibigyan ng ruta.
Pinaalala rin ng LTFRB sa mga nagnanais na sumama sa strike ang kanilang obligasyon bilang franchise holders, lalo na nga umano kung nakakaapekto sa publiko.
Sa kabila ng babala, nanindigan naman si Mar Valbuena, president ng Manibela na tuloy ang kanilang tigil-pasada.