BUKOD sa mga tsuper at operator ng mga pampasaherong jeep, inaasahan rin ang welga ng hindi bababa sa 7,000 riders na nagtatrabaho sa Lalamove Express Delivery Service na higit na kilala sa paghahatid ng mga kalakal na nabili online.
Sa kalatas ng Lalamove Driver’s Association, tiniyak nila ang paglahok sa isasagawang welga at kilos-protestang ikinasa ng grupong Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (Manibela) sa Lunes.
Anila, hindi tatanggap ng anumang booking ang kanilang mga miyembro sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang suporta sa ipinaglalaban ng Manibela.
“Nationwide strike kami, mga 7,000 ang hindi tatakbo,” wika ni Ramon Paleracio na tumatayong presidente ng Lalamove Driver’s Association.
“Pasensiya na po sa mga maaabalang customer,” aniya pa.
Nagpasalamat naman si Manibela president Mar Valbuena sa suporta ng mga delivery rider.
Target ng Manibela at iba pang transport groups paralisahin ang pampublikong transportasyon sa Lunes hanggang Miyerkules.
Gayunpaman, libreng-sakay ang pantapat ng pamahalaan sa hangarin maibsan ang epekto ng tatlong-araw na tigil-pasada.