HINDI talaga uso sa Senado ang malalim na pag-iisip sa mga nakahaing panukala at tratado, gaya ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) na kara-karakang niratipika ng 20 senador kahit na higit sa 130 grupo ang bumabatikos sa RCEP bilang isang malaking hambalos sa sambayanan.
Noong 1995, pumirma rin ang Pilipinas sa General Agreement on Tariffs and Trade (GATT) na siyang nagbigay daan sa pagtatatag ng World Trade Organization (WTO) na tiniyak ng rehimeng Ramos na hahango sa kahirapan ng mga magsasaka at manggagawa.
Sina Sen. Blas Ople at Sen. Edgardo Angara ang naging tagatulak ng GATT-WTO at kung anu-anong “safety nets” ang ipinangako upang maibsan ang pasakit na dulot ng “trade liberalization” at “tariff reduction.”
Hanggang ngayon, walang “safety nets.”
Sa loob ng 27 taon, nalunod ang bansa sa mga inangkat na produkto at nabulok naman ang lokal na pananim na hindi makapasok sa ibang bansa dahil sa non-tariff barriers.
Ang China mismo ang kapural sa paggamit ng palsipikadong peste at sakit upang barahan ang pagpasok ng ating saging at pinya, ayon kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairman emeritus Rafael Mariano.
Higit sa 1-milyong hanapbuhay sa pagsasaka ang nabura simula nang mauso ang WTO at bumagsak rin ang bahagi ng agrikultura sa gross domestic product (GDP.)
Sa buong mundo, 9.6 milyong ektarya ng lupain ang nakuha ng mga korporasyon simula 2008 at ang mga ito ay buhat sa mga bansang kasapi ng RCEP.
Masahol din ang patakaran ng paggamit ng hybrid seeds na sa ngayoy’s halos monopoly ng SL Agritech sapagkat ang mga magsasaka ay bibili sa kanila ng binhi at malulumpo sa gastos sa fertilizer at pestisidyo.
Ang teknolohiya ng SL Agritech ay mula China. Kasama sa RCEP ang lahat ng kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at ang limang Free Trade Agreement (FTA) partners na Australia, China, Japan, South Korea at New Zealand.
Mas Malaki ang RCEP sa WTO.
Ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, palpak ang “trade liberalization” lalo pa sa mga bansang mahihina ang ekonomiya gaya ng Pilipinas.
Sa tatlong dekada ang FTAs mula 1993 hanggang 2022, sinabi niya na lumobo ang inangkat at bumagsak ang employment rate, naging bansot ang industriya at ginipit ang agrikultura.
Pambobola rin ang sinasabi na magdudulot ng dagdag at mahuhusay na trabaho dahil sa RCEP.
Mula 1995 hanggang 2016, 58.83% ang ibinagsak ng bilang ng hanapbuhay taun-taon, mula 693,000 tungo 313,000.
Sakaling magkaroon ng aberya ang mga sinasabing RCEP members at mga korporasyon nila, mananaig ang probisyon ng RCEP at susunod ang Pilipinas.
Masahol din ang probisyon na maaaring isakdal ang pamahalaan sakaling hindi maabot ng mangangapital ang kanilang target na kita. Magbabayad pa ang Pilipinas sa mismanagement ng mga dyaske.