
ANG pwesto sa lokal na pamahalaan, sadya nga bang para lang sa iilan? Sa lungsod ng Malabon, nakatakda ang mainit na sagupaan ng dalawang pares ng mag-asawang target ang posisyon ng pagiging alkalde at kinatawan sa Kamara de Representante.
Sa isang panig, kandidato sa pagiging kongresista sa lone district ng Malabon si former An Waray Partylist Rep. Bem Noel habang posisyon ng mayor naman ang puntirya ng asawang si Malabon Rep. Josephoine Lacson Noel.
Ang hinamon – ang mag-asawang Sandoval na sina reelectionist Malabon City Mayor Jeannie Sandoval at asawang si Ricky Sandoval na target naman maging kinatawan ng Malabon sa Kongreso.
“Ang Malabon will make sure that the best couple will win,” wika ni Noel sa isang panayam matapos maghain ng Certificate of Candidacy para mayor.
Samantala, naghain na rin ng COC si Marikina Mayor Marcy Teodoro sa hangaring makabalik sa Kamara bilang kinatawan ng unang distrito ng Marikina.
Inaasahan naman tatakbong mayor ang asawa ni Teodoro.
“Umagang-umaga, nag-file na ako pagkapayag niya kagabi. Baka kasi magbago pa isip ng asawa ko. Wala nang atrasan ito. Pag siya na ang kalaban ko, delikado ako. Iyong asawa ko lang ang kinatatakutan ko,” pabirong wika ni Teodoro.
Kabilang rin sa mga naghain ng kandidatura sina reelectionist Pasig City Mayor Vico Sotto ang katambal na si Vice Mayor Dodot Jaworski. Makakalaban ng dalawang reelectionist sina Sara Discaya para mayor at former Pasig City Vice Mayor Iyo Caruncho.