NAKATAKDANG talupan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si dating Quezon City Police District (QCPD) chief Brig. Gen. Nicolas Torre III kaugnay ng di umano’y special treatment na iginawad sa dating pulis na nanakit sa isang siklista noong Agosto 8.
Katunayan pa ayon kay NCRPO Public Information Office chief Lt. Col. Eunice Salas, isang probe committee ang nilikha ni NCRPO chief Jose Melencio Nartatez sa hangaring pag-aralan ang mga anila’y paglabag ni Torre sa umiiral na polisiya ng Philippine National (PNP).
Partikular na tinukoy ni Salas ang pagpapatawag ni Torre ng isang pulong-balitaan kung saan aniya bumida ang road rage suspect na si Wilfredo Gonzales.
Ayon kay Salas, mayroon umiiral na panuntunan sa PNP sa pagsasagawa ng press conference – at kabilang aniya sa mga ‘nakaligtaan’ gawin ni Torre ay ang makipag ugnayan sa NCRPO bago pa man nagpatawag ng mga mamamahayag.
“Walang coordination or maski communication man lang sa NCRPO,” ani Salas.
Agosto 8 nang magkaroon ng mainitang pagtatalo si Gonzales at ang hindi pinangalanang siklista, na nauwi sa pananakit at pagkakasa ng baril ng suspek sa biktima.
Nahuli sa video ang insidente at malaunan ay nag-viral sa social media.
Nitong Martes, sinampahan na ng mga pulis ng kasong alarm and scandal si Gonzales sa piskalya.
Nagpahayag naman ng kahandaan si Torres na harapin ang kasong posibleng isampa ng aniya’y mga ‘interesadong partido.’