BINALOT ng tensyon ang isang tanggapan sa loob ng Manila City hall compound matapos umanong “pasukin” at “pwersahin” ni Mayor Honey Lacuna ang hepe ng City Accounting Office at iba pang kawani.
Kwento ng isa sa mga kawani ng naturang departamento, mistulang hostage umano ni Lacuna si Jonathan Galorio na tumatayong officer-in-charge ng Manila City Accounting Office.
Aniya, pasado alas 5:00 na ng hapon nang personal na pasukin ng alkalde sa opisina si Galorio at sapilitang pinapirma ng hindi tinukoy na dokumento.
Agad naman sumugod ang Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Manila Police District nang matanggap ang impormasyon na may ilang mga kawani ang umano’y na-hostage sa nasabing opisina.
Pinipigilan umano ang nga empleyado na umuwi hanggat hindi tapos ang kanilang trabaho.
Hanggang sa Lunes na lamang ng tanghali ang termino ni Lacuna.
Pasado alas 9:00 ng gabi nang makalabas at tuluyang makauwi sa kani-kanilang tahanan ang mga empleyado.
