DINAMPOT ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang nasa 223 indibidwal na may iba’t ibang kaso sa isang linggong anti-criminality at anti-illegal drug operations na isinagawa mula Mayo 25 hanggang 31, 2025 sa nasasakupang lungsod.
Ayon kay Col. Randy Glenn Silvio, na tumatayong acting director ng QCPD, kabilang sa mga nalambat ang 69 ang drug suspects, 76 pugante (wanted), 74 ang sangkot sa ilegal na sugal, at apat na iba pang nasilat sa pag-iingat at pagbibitbit ng baril.
Sa patuloy na kampanya ng QCPD laban sa iligal na droga, 47 operasyon ang isinagawa, na nagresulta sa pagka aresto sa 69 na drug suspects, at pagkumpiska ng P15,261,404 halaga ng shabu.
Sa hanay ng mga wanted, 76 indibidwal ang matagumpay na nahuli, kabilang ang 32 Most Wanted Persons, at 44 Other Wanted Persons.
Ipinag-bigay alam na rin ng QCPD ang pagdakip ng mga taong inisyuhan ng mandamiento de arresto.
Samantala, sa kampanya laban sa mga iligal na baril, apat na operasyon ang isinagawa, na humantong sa pagka rekober ng apat na baril at pagka aresto ng pang indibidwal.
Bukod dito, 41 operasyon din ang isinagawa laban sa iligal na sugal, na dahilan sa likod ng pagkakakulong ng sa 74 na indibidwal at pagkakakumpiska ng P23,741.00 bet money. (LILY REYES)
