BONGGANG pabuya ang iginawad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa walong impormanteng nagbigay-daan sa pagdakip sa mga personalidad sa likod ng bentahan ng droga.
Sa kalatas ng PDEA, tumataginting na 11.6 milyong gantimpala ang ipinamahagi ng pamahalaan sa ilalim ng Operation: Private Eye (OPE), isang monetary incentive program na naglalayong humikayat sa mga mamamayan para isuplong sa awtoridad ang iligal na kalakalan ng ipinagbabawal na gamot sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bagamat lubos na ikinagagalak ang resulta ng mga operasyon kontra droga, tumanggi si PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez na pangalanan ang mga impormante para sa kani-kanilang kaligtasan.
Gayunpaman, nilinaw ni Nerez na malaki ang ambag ng mga naturang impormante na aniya’y punong dahilan sa likod ng tagumpay sa siyam na anti-illegal drugs operations na ikinasa ng ahensya.
Sa datos ng PDEA, apat na impormante ang nakatanggap ng pinakamalaking gantimpala na ₱2,000,000.00 bawat isa.
Pasok sa talaan ng mga matagumpay na operasyon ang mga buy-bust operation sa South Green Heights Village, Barangay Putatan, Muntinlupa City noong Marso 14; at buy-bust operation sa Barangay Pantok, Binangonan, Rizal noong Marso 19.
“These private citizens took it upon themselves to report suspicious drug-related activities not minding their own safety. To return the favor, PDEA assured them that all information received were handled with utmost confidentiality”, pahayag ni Usec Nerez. (LILY REYES)
