
TUMATAGINTING na P1 milyon ang inilaan ng Philippine National Police (PNP) sa kada ulo ng anim na suspek na pinaniniwalaang responsable sa pagdukot ng anim na sabungero paglabas ng sabungan sa Sta. Ana, Maynila noong nakaraang taon.
Inilabas na rin ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang larawan ng mga suspek na kinilalang sina Julie Patidongan or Dondon, Mark Carlo Zabala, Roberto Matillano Jr, Johnry Consolacion, Virgilio Bayog, at Gleer Codilla alyas Gler Cudilla.
Ayon kay CIDG chief Brig. Gen. Romeo Caramat, naglabas na rin ng mandamiento de arresto ang husgado laban mga nasa larawang ipinaskil sa social media at maging sa lahat ng mga himpilan ng pulisya.
Nanawagan rin si Caramat sa publiko na maging mapagmatyag at makipagtulungan sa ikadarakip ng mga suspek.
Isa lang ang insidente ng pagdukot sa Manila Arena sa walong iba pang kasong hawak ng CIDG Special Investigation Task Group Sabungero.
Paglilinaw ni Caramat, bagamat malaking bentahe ang sigasig ng mga kabaro sa ikadadarakip ng mga salarin, hindi kasali ang mga pulis sa pwedeng gawaran ng gantimpala.
Bukod sa anim na suspek na tampok sa poster ng CIDG, tatlong pulis rin ang sumuko at sinampahan ng kasong kidnapping, serious illegal detention, at robbery.