
Ni Lily Reyes
WALANG karapatan humawak ng baril ang mga iresponsableng may-ari ng armas, giit ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, kasabay ng diretiba sa Philippine National Police (PNP) na disarmahan sa lalong madaling panahon ang koronel na nagwala kamakailan sa isang resto bar sa Quezon City.
Ayon kay Abalos, tatlong baril ang napag-alaman nakapangalan kay Lt. Col. Mark Julio Abong sa naturang opisyal ng pulisya – “Hindi dapat bigyan ng pribilehiyo na magmay-ari o magdala ng baril ang sinumang hindi responsable na humawak nito.”
Bukod sa pagsamsam sa armas ni Abong, naglabas din ng direktiba ang Kalihim sa PNP Firearms and Explosives Office (FEO) na kanselahin ang lisensya ng naghuramentadong koronel.
Inaresto kamakailan ng mga kabaro si Abong bunsod ng reklamong idinulog ng isang waiter ng Ralyoz Drinkery Lounge na di umano’y sinaktan ng naturang opisyal.
Samantala, sinabi ni PNP Public Information Office chief Col. Jean Fajardo na hinihintay na lamang nila ang desisyon ng National Police Commission (Napolcom) kaugnay ng inihaing apela ni Abong.
Ani Fajardo, bagamat mayroon nang inilabas na dismissal order noon ang Quezon City People’s Law Enforcement Board, nagawa ni Abong na manatili sa serbisyo matapos umapela sa Napolcom.
Ang kaso ay may kaugnayan sa pagkakasangkot ni Abong sa insidente ng hit and run na ikinasawi ng tricycle driver at ikinasugat ng isa pa noong nakalipas na taon.
Dagdag ni Fajardo, sa panibagong kaso ni Abong, tiyak na aniyang walang lusot ang koronel na nahaharap sa patong-patong na kasong kriminal at administratibo.
Bukod sa mga nakabinbing kaso ng Grave Misconduct, Grave Neglect of Duty, Conduct Unbecoming of an Officer, Reckless Imprudence resulting in Homicide, nahaharap ngayon si Abong sa Alarm and Scandal, Illegal Discharge of Firearm, Slander at Physical Injury dahil sa huli nitong kinasangkutan insidente.