
NAGDEKLARA ng state of calamity ang Tagum City, Davao del Norte dahil sa dengue outbreak.
Nabatid sa report na mula Enero hanggang Nobyembre 22 ay aabot na sa kabuuang 1,054 dengue cases ang naitala sa 23 barangay, ayon sa Tagum City Epidemiology Surveillance Unit.
Karamihan sa mga pasyente ay edad lima pababa.
Samantala, umabot na sa siyam ang nasawi dahil sa dengue.
Napagdesisyunan ng mga awtoridad ang pagdedeklara ng dengue outbreak makaraang makapag-ulat ang 61% ng mga barangay ng kaso ng dengue.
Dahil dito, inirekomenda ng City Disaster Risk Reduction and Management Council sa konseho ang pagdedeklara ng state of calamity upang magamit ang pondo ng pamahalaan sa pagtugon sa outbreak.
Nagsasagawa na ng misting, larvicide, at education campaign operations para makontrol ang outbreak.