Ni LILY REYES
PATONG-PATONG na kaso ang ang isinampa ng Quezon City Police District (QCPD) laban sa grupong Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers Para sa Karapatan sa Paggawa (Manibela) dahil sa umano’y perwisyong idinulot ng dalawang araw na transport strike sa lungsod.
Kasong paglabag sa public assembly act (3 counts), alarm and scandal, resistance and disobedience at direct assault upon an agent or person in authority ang isinampa laban kay Mario Valbuena na tumatayong chairman ng Manibela.
Bukod kay Valbuena inasunto rin ng QCPD ang tatlong iba pa.
Ayon sa QCPD, sobrang abala at perwisyo sa mga motorista at pasahero ang ginawa ng Manibela nang harangan ang Commonwealth, East at Quezon Avenue bilang bahagi ng protestang kalakip ng tigil-pasada sa lungsod.
Wala rin umanong permit ang Manibela sa ikinasang kilos-protesta at binalewala pa ang pakiusap ng mga otoridad na lumipat sa Freedom Park.
Samantala, tinawag ni Valbuena na isang panggigipit ang inihaing kaso ng QCPD laban sa mga raliyista.
Giit pa ng lider ng Manibela, mga pulis ang humarang sa kanilang hanay – dahilan para maapektuhan ang daloy ng trapiko partikular sa Commonwealth Ave., sa nasabing lungsod.
Bagamat wala pa aniya silang natatanggap na kopya ng reklamo, tuloy pa rin ang mga kilos-protesta hanggang sa katapusan ng Mayo.
