TALIWAS sa mga lumabas na balita, Metro Manila – at hindi ang lalawigan ng Cagayan sa hilagang bahagi ng Luzon – ang may pinakamaraming Chinese nationals na nabigyan ng student visa.
Paglilinaw ng Bureau of Immigration (BI), karamihan ng mga Chinese nationals na may student visa ay nakabase sa kabisera. Katunayan pa anila, nasa 9,000 ang kasalukuyang naka-enrol sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa Metro Manila.
“Actually, the majority po ng foreign nationals, particularly Chinese nationals, that were issued student visas ay nasa Metro Manila po,” wika ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval.
Bago pa man naglabas ng anunsyo ang BI, humirit ang isang kongresista sa Kamara para talupan ang di umano’y hindi pangkaraniwang pagdami ng mga Chinese nationals na nagpapanggap na estudyante sa lalawigan ng Cagayan.
Sa datos ng kawanihan, kumpirmadong umabot sa 1,516 ang kabuuang bilang ng mga Chinese nationals na nabigyan ng student visa noong nakalipas na taon.
Gayunpaman, 400 lamang sa naturangg bilang ang pumapasok sa eskwela.
