PIRA-PIRASO na nang marekober sa Baguio City ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang labi ng isang sarhentong kinatay di umano ng koronel matapos mahuli sa akto habang nakikipagtalik sa kanyang misis sa loob ng isang kampo.
Ayon kay Police Major Hazel Asilo na tumatayong tagapagsalita ng Southern Police District (SPD), nangyari ang insidente noong Nobyembre 28 sa loob mismo ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Bagamat hindi pinangalanan ni Asilo ang koronel at sarhentong biktima ng krimen, kinilala ng isang source sa loob ng Camp Bicutan, ang suspek sa pangalang Lt. Col. Roderick Tawanna Pascua.
Ang biktimang pinira-piraso — si Police Executive Master Sergeant (PEMS) Emmanuel Ballos De Asis.
Anang SPD spokesperson, Disyembre 5 nang aminin at ituro ng suspek ang isang bahagi ng bakuran ng aniya’y ancestral home sa Barangay Pucsusan, Baguio City kung saan ibinaon ang pinara-pirasong katawan ng pinaslang na sarhento.
Pag-amin ng suspek, binaril niya muna ang biktima ng noon aniya’t nakikipagtalik sa kanyang asawa. Bagamat patuloy ang imbestigasyon, kabilang sa nakikitang anggulo sa insidente ang “crime of passion.”
“Based sa binigay na statement, naaktuhan ang isang suspect sa very intimate na sitwasyon… Nabaril niya itong ating victim,” ani Asilo sa isang panayam sa radyo.
Pagkatapos umano paslangin ang kalaguyo ng misis, pinara-piraso di umano ng suspek ang biktima gamit ang isang “hacksaw.”
Sakay ng pag-aaring pick-up, dinala ang katawan ng biktimang agad na ibinaon sa bakanteng lote sa loob ng bakuran ng kanilang tahanan sa Baguio City.
“Merong mga reports at merong nakikita tayo sa social media na [posts na] hinahanap itong victim. Yung anak niya mismo ang nagpunta sa Camp Bagong Diwa dahil doon niya huling alam nagpunta ang kanyang tatay,” kwento ni Asilo.
“Kaya natunton ang huling unit na pinuntahan [ng biktima],” dugtong niya.
Bukod sa koronel, itinuturing na suspek din sa krimen ang taksil na asawa ng high-ranking PNP officer.