NAHAHARAP sa patong-patong na kasong kriminal ang isang administrative officer ng Department of Justice bunsod ng umano’y paglihis ng hindi bababa sa P12-milyong pondong nakalaan sa benepisyo ng mga regional prosecutors.
Sa isang panayam, kinumpirma rin ni National Bureau of Investigation (NBI) spokesperson Palmer Mallari ang pagdakip sa hindi pinangalanang DOJ personnel.
Ayon kay Mallari, mismong ang DOJ Payroll Section ang nakabisto sa umano’y irregularidad sa proseso ng paghahanda ng payroll para sa mga regional prosecutors.
“Ang DOJ Payroll Section ang dumulog sa NBI sa mga irregularidad sa paghahanda ng payroll ng mga regional prosecutor… nung makumpleto ang mga dokumento, agad nilang isinangguni sa amin ang kanilang natuklasan para aming imbestigahan,” wika ni Mallari.
Sa impormasyon ibinahagi ng NBI spokesperson, minanipula ng suspek ang mga ‘mule account’ at muling in-activate ang mga payroll account ng mga retirado, nagbitiw, at hindi aktibong prosecutor upang ilipat ang mga benepisyo.
“Dahil siya ang may hawak ng payroll, nagawa niyang i-reactivate ang mga account at ilipat ang mga benepisyo papunta sa mga ilegal na mule account,” dagdag niya.
Disyembre 22 nang ikasa ng NBI ang isang entrapment operation sa DOJ Payroll Section sa Maynila matapos kumpirmahin na ang mga bonus ng gobyerno, kabilang ang Performance Enhancement Incentive (PEI) at Special Recognition Incentive (SRI), ay na-credit na sa mga account na nauugnay sa suspek.
Bukod sa target, arestado rin ang mga umano’y kasabwat sa katiwalian.
Kabilang sa mga kasong inihain laban sa mga suspek ang malversation of public funds, qualified theft, graft, at santambak na cybercrime-related offenses. (JULIET PACOT)
