SA kabila ng mga babala at paalala ng lokal na pamahalaan, pumalo sa 106 indibidwal ang nabiktima ng paputok sa lungsod ng Maynila hanggang sa unang araw ng 2026.
Partikular na tinukoy ng Manila Public Information Office (PIO) ang datos na nakalap ng naturang tanggapan mula sa pitong pagamutan — kabilang ang LGU-operated district hospitals na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Manila Health Department.
Sa naturang bilang, pito ang pasok sa kategorya ng “severe cases” habang klasipikadong “mild cases” lamang ang 99 na iba pa.
Pinakamaraming naitalang biktima ng paputok mula sa Gat Andres Bonifacio Medical Center na may 37 kaso, kung saan 35 ang mild at dalawa ang severe.
Nasa pangalawang pwesto naman ang Ospital ng Sampaloc na may 26 kabilang ang 25 mild at isang severe, at Sta. Ana Hospital na may 21 kaso kabilang ang 20 mild at isang severe. (JULIET PACOT)
