ARESTADO sa mga kabaro ang walong pulis walong pulis ng Eastern Police District (EPD) matapos ireklamo ng pagnanakaw isang pekeng operasyon kontra droga sa Pasig City.
Sa kalatas ng National Capital Region Police Office (NCRPO), sinampahan na rin ng kasong robbery ang walong miyembro ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa Pasig City.
Sa ulat ng NCRPO, pinasok umano ng mga pulis na nagsagawa ng anti-illegal drug operation ang isang residential unit na tinutuluyan ng target na drug personality dakong alas 2:05 ng hapon Disyembre 26, sa Barangay Palatiw ng nasabing lungsod.
Ayon kay NCRPO director Major Gen. Anthony Aberin, tinangay umano ng mga pulis ang personal na gamit sa pinasok na bahay.
Matapos beripikahin ang reklamo, agad na dinisarmahan ang walong hindi pinangalanang operatibang nabigong magprisinta ng dokumentong patunay na lehitimo ang anti-illegal drug operation.
Sa isang pahayag, nagbabala si Aberin sa mga pulis sa aniya’y mahigpit na polisiya laban sa anumang uri ng pang-aabuso, misconduct at paglabag sa police operational procedures. (EDWIN MORENO)
