Ni Estong Reyes
MALAKI ang posibilidad na magsiismula nang lumawak at lumaki ang oportunidad ng produktong Filipino sa international market matapos maaprubahan ang geographical indication ng Guimaras mangoes, ayon kay Senador Edgardo “Sonny” Angara.
Sa pahayag, sinabi ni Angara, chairman ng Senate committee on finance, na nabigyan kamakailan ng kauna-unhang geographical indication (GI) grant ang isa sa mga pamosong prutas ng Pilipinas: ang manggang Guimaras.
Ang geographical indication (GI) ang isang distinctive sign upang kilalanin ang isang produkto na nakatuon ang kalidad nito, reputasyon o katulad na characteristic sa pinagmulang lugar o geographical origin. Tulad ng Guimaras mango na matatagpuan lamang sa naturang lugar.
Bilang awtor ng Senate Bill 1868 o ang Protected Geographical Indications Act, sinabi ni Angara na ang GI grant sa Guimaras mango ay malaking pagkakataon upang makilala sa pandaigdigang merkado ang ating pananim na may mataas na kalidad, gayundin ang iba pang produkto ng bansa.
Mababatid na kamakailan, inaprubahan ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) ang aplikasyon ng Guimaras Mango Growers and Producers Development Cooperative (GMGPDC) sa GI registration.
Ayon sa IPOPHL, bunga ito ng isang dekadang pagpupursige ng nasabing organisasyon na mabigyan diin na ang Guimaras mangoes ang may pinakamataas na kalidad kung ang pag-uusapan ang pinagdaanan nitong pagproseso sa pagtatanim, pag-aani, pag-iingat, packing at storage.
“Tayong mga Pilipino, alam natin na pag sinabing Guimaras mango, matamis talaga. Isa sa pinakamatatamis na mangga sa ating bansa. At yung kalidad nito, makikita n’yo naman kung gaano kaganda at pasadong-pasado sa mga kinakailangang standard para pumasok sa merkado ng ibang bansa. At ngayong nagarantiyahan na ito sa kauna-unahang pagkakataon ng GI, malaki ang magiging pakinabang ng ating mango farmers sa Guimaras dahil siguradong tataas ang demand ng kanilang produkto at tataas din ang kanilang kita,” ani Angara.
Napag-alaman din natin na nakatanggap ang GMGPDC ng export offers mula sa mga bansang Czech Republic, Dubai at South Korea, matapos pumatok ang paunang dalawang toneladang Guimaras mangoes sa Switzerland noong 2022.
Dagdag pa ni Angara, “Ang GI ang nagpapatunay na talagang galing ang produkto sa orihinal na lugar na pinagmulan nito, kung saan kilala ang produkto sa reputasyon nitong dekalidad. At dahil sa GI, lalakas ang marketing tool ng mga producer at tataas ang demand sa kanilang mga produkto. Umaayon ito sa ating isinusulong natin na Tatak Pinoy or Proudly Pinoy advocacy dahil nilalayon natin ditong itaas ang kalidad ng mga produkto ng Pilipinas upang magkaroon naman tayo ng oportunidad na pasukin ang international markets. Kung magkakagayon, marami tayong mga kababayang matutulungan lalo na ang mga nangangailangan ng maayos na trabaho.”