BUKOD sa malaking interes, target ng Senado igisa ang naglipanang online lending platforms kaugnay ng kabi-kabilang reklamo hinggil sa panggigipit, pamamahiya at pananakot sa mga di umano’y patibong na kalakip ng ilegal na operasyon.
Sa paghahain ng Senate Resolution No. 641, target ni Senate Majority Leader Joel Villanueva imbestigahan ang illegal at hindi rehistradong online lending platforms na nambibiktima aniya ng daan libong Pilipino..
Partikular na tinukoy ni Villanueva ang mga idinulog na pamamaraan para makasingil sa mga pinautang na Pinoy.
“Our office has been receiving complaints from people who were harassed, intimidated, and shamed by the collecting agents of these online lending platforms for being unable to pay their loans on time,” sabi ni Villanueva.
“We need to put a stop to this inhumane and unethical practice and make sure that our kababayans are truly protected,” dagdag niya.
Ayon pa sa Majority Leader, dapat ipatupad nang maayos ang mga batas para matiyak na ang mga konsyumer ay nakikipag-transaksyon lamang sa mga rehistrado at awtorisadong online lending companies para protektahan ang kanilang interes at kapakanan.
Nauna nang binawi ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang Certificates of Registration ng 2,084 lending at financing companies na hindi kumuha ng kanilang Certificates of Authority (CA), habang 39 naman ang kinansela ang kanilang CA dahil sa iba’t ibang mga paglabag.
Sabi pa ni Villanueva, may ilang lending firms din na sobra-sobra ang ipinapataw na interest rates at iba pang charges dahil sa pagkabigo ng mga borrower na magbayad ng kanilang obligasyon sa takdang oras.
Maliban diyan, may ilang mga kolektor din ang nagmumura at nagbibitaw ng masasakit na salita sa kanilang mga kliyente para mapuwersa silang magbayad ng kanilang utang.
Hiniling din ni Villanueva sa angkop na komite ng Senado na tingnan ang mga ulat na may mga online lending platform na sangkot sa iresponsableng pagkuha ng mga datos at impormasyon na labag sa ‘right to privacy and safe and secure transactions’ ng kanilang mga kliyente.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11765 (Financial Products and Services Consumer Protection Act), ang mga financial service providers ay pinagbabawalan maging mapang-abuso sa pangongolekta ng utang ng kanilang mga kliyente.
Bukod diyan, nakasaad din sa Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines na dapat isulong ang “fair, honest and equitable relations among parties in consumer transactions.”
Samantala, nakapaloob naman sa Republic Act No. 3765 o Truth in Lending Act na dapat maging honest o tapat ang mga lender sa mga charges na kanilang ipinapataw at ipaalam sa mga borrower ang totoong cost of credit.
“Our people should be protected against deceptive, unfair, and unconscionable acts and practices, including abusive collection and debt recovery practices,” ani Villanueva.
“Debtors deserve to be treated fairly and with dignity.”