SA gitna ng patung-patong na isyung kinakaharap ng jeepney drivers at operators sa buong bansa, bumuhos ang biyaya sa hanay ng mga apektadong sektor na nakabase sa Iloilo, sa ilalim ng programang Presyo, Trabaho, Kita at Kaayusan ni Sen. Alan Peter Cayetano.
Sa inisyatiba ni Cayetano, hindi bababa sa 500 tsuper ang binigyan ng tig-P2,000 ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa inisyatiba ng mambabatas sa likod ng PTK program.
Sa kalatas ng tanggapan ng mambabatas, partikular na tinukoy ang mga miyembro ng Western Visayas Transport Cooperative (WVTC) na may 77 kooperatiba mula sa iba’t ibang lalawigan sa naturang rehiyon.
Naisagawa ang pamamahagi ng tulong sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng DSWD, katuwang sina Iloilo City Lone District Rep. Julienne Baronda at Iloilo City Mayor Jerry Treñas.
Ang WVTC ay benepisyaryo ng PTK program ni Cayetano, isang inisyatibang sinimulan sumipa taong 2013 sa hangaring bigyan ng dagdag kapital ang mga kooperatiba at sektoral na organisasyon para ipautang sa mga kasaping nangangarap magsimula ng maliit na negosyo.
Para kay Cayetano, hindi angkop na kumagat sa patibong ng 5-6 ang mga nagsisimula pa lang magnegosyo. Katunayan aniya, ‘anti-5-6’ ang kanyang programa para sa micro, small, at medium enterprise (MSME).
Ayon kay WVTC Chairperson Raymundo Parcon, lumago ang pondo at dumami ang mga miyembro ng kooperatiba mula nang matanggap nito ang seed capital mula sa PTK noong 2015.
Pinasalamatan naman ng Chapter President ng grupo na si Noel Garcia si Cayetano sa natanggap nilang dagdag na tulong.
“Ang saya-saya naming mga driver dito sa Iloilo, at nagpapasalamat po kami dahil napakalaking tulong po talaga ng Presyo-Trabaho-Kita/Kaayusan program para sa amin,” pahayag niya.
Ang pamamahagi ay isinagawa sa tulong din ni Pastor Antonino Carnaje ng Great Harvest Ministries, Inc. Iloilo City.