
PATULOY ang bentahan ng Philippine passports sa hanay ng mga dayuhang Tsino, ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Katunayan pa ayon sa kawanihan, isa pang Chinese national ang nabisto kamakailan sa paggamit ng Philippine Passport pagtungtong ng Caticlan Airport sa lalawigan ng Aklan.
Sa kalatas ng ahensya, patungo sana ang 24-anyos na si Zhou Jintao sa Boracay para magbakasyon nang piitin ang dayuhang turista sa paliparan kung saan ipinrisinta di umano ang Philippine Passport sa pangalang Janssen Gonzales Tan.
Nang kausapin sa paliparan, dito na napagtanto ng mga immigration personnel na hindi Pilipino kundi isang dayuhan ang may hawak ng pasaporte.
Bukod sa Philippine passport, nakuha rin sa pag-iingat ng Tsino ang iba pang Philippine government-issued IDs tulad ng PWD at TIN identification cards, NBI clearance at isang birth certificate kung saan nakatalang sa Davao siya ipinanganak.
Nang beripikahin, lumalabas na overstaying na ang Chinese national na dumating sa Pilipinas noon pang Hunyo ng taong 2019.
Kasalukuyang nakapiit si Zhou sa BI Detention Facility sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City, habang isinasaayos ang deportation pabalik sa China.
Pag-amin ni Immigration Commissioner Norman Tansingco, nahihirapan ang kawanihan sa patuloy na paglobo ng bilang ng mga dayuhang may hawak na pasaporteng gamit sa pagbiyahe papasok at palabas ng mga paliparan.
Sa datos ng BI, Enero 23 nang masabat ng mga airport personnel sa Ninoy Aquino International Airport ang Chinese national na si Zhang Hailin, na may hawak na pasaporte kung saan tampok ang kanyang larawan pero iba ang pangalan – Alex Garcia Tiu.
Nang suriin, lumalabas na tunay at inisyu ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nakuhang pasaporte. Bukod sa ‘genuine passport’ nagpahayag ng pagkadismaya sa Tansingco matapos magprisinta ng “authentic birth certificate’ ang Tsinong lilipad sana patungo ng Hanoi sa bansang Vietnam.
Nang isalang sa interogasyon, napilitan umamin ang Tsino na overstaying na siya mula pa 2020.
Bistado rin ang isang babaeng Vietnamese na si Huynh Thanh Tuyen na dinakip habang hawak ang Philippine passport na may pangalang Maria Dantic Menor.
Sa pagtatanong, inamin ni Huynh na nakuha niya ang pasaporte sa tulong ng isa niyang Vietnamese na kaibigan.
Bukod kina Zhang at Huynh, may dalawang iba pang banyagang inaresto matapos makuhanan ng Philippine passport na karaniwang gamit para makaiwas sa mga Immigration authorities.