LIBANG na libang ang mga “Political Maritess” (PM) sa pagkalas ni Vice President Sara Duterte mula sa partido Lakas-CMD at ang pagtanggal kay dating Pangulo at ngayo’y Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo bilang senior deputy speaker ng Mababang Kapulungan.
Kanya-kanyang konklusyon ang mga PM hinggil sa bitak sa UniTeam ng administrasyon na maaaring magbigay daan daw kina VP Sara at GMA bilang posibleng manguna sa oposisyon.
Kung tutuusin, ang lamat sa political dynasty cartel na pinangungunahan nina Marcos, Duterte at Arroyo ay walang direktang epekto sa kumakalam na sikmura ng mga mamamayan.
Sabi nga ng ibang PM, hayaan natin maglabasan ng baho ang mga ‘yan pero huwag tayong pumili nang papanigan dahil interes lang naman nila ang kanilang pinoprotektahan at hindi ng taong bayan.
Habang nagpaplano ang mga ‘yan para manatili sa puwesto beyond 2028, kapos pa rin ang sweldo ng mga manggagawa para mabuhay ng marangal, kulang pa ang rin ang mga nakabubuhay na trabaho, nag-uunahan pa rin tayong makasakay papunta at pauwi sa trabaho, butas pa rin ang ating bulsa sa taas ng presyo ng mga bilihin at marami sa mga Pinoy ang hindi nagtatamasa ng wastong serbisyong pangkalusugan.
Malinaw na wala sa agenda ng political dynasty cartel na tugunan ang mga pangunahing problema ng bayan.
Nakatuon ang political dynasty cartel na magbuo ng kolektibong mekanismo upang mapalakas ang kanilang kapangyarihan at manatiling hawak nila ito hanggang 2034 dahil tityakin nilang magmumula sa kanilang hanay ang pinuno ng bansa.
Habang aliw na aliw tayo sa kanila ay kasado na ang panukalang ilipat ang Philippine Health Insurance Corporation sa ilalim ng Office of the President.
Ayon sa Health Alliance for Democracy (HEAD),hindi ito mapapakinabangan ng mamamayang Pilipino, kundi ang mga opisyal ng gobyerno sa Malacanang at ang kanilang mga kasama.
Nakasaad sa Order No 2023-2602 ng DOH Department personnel na may petsang Mayo 12, 2023 na “(t)he Department of Health (DOH), through the Office of the Secretary (OSEC), and the Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), through the Office ng Pangulo at Chief Executive Officer (PCEO), ay nagkasundo na bumuo ng Joint Technical Working Group (TWG) para mapadali ang natapos na trabaho ng mga kawani na kailangan sa panukalang paglipat ng PhilHealth bilang isang attached agency ng Office of the President (OP) ”.
Nanindigan ang HEAD na dapat ibasura ang panukala sa panganmbang mapunta lang ang pondo ng Philhealth sa sentralisadong katiwalian lalo na’t walang tigil at hindi nareresolba ang mga irregularidad at katiwalian sa naturang ahensya.
Dapat ba nating ipagkatiwala ang Philhealth sa pamilya Marcos na may mga nakabinbing kaso ng graft & ill-gotten wealth?
Batay sa Republic Act No 7875, ang Philhealth ay “isang tax-exempt government corporation na naka-attach sa Department of Health para sa policy coordination at guidance”.
Ang Philhealth ay naglaan ng P100.23B na subsidy sa ilalim ng 2023 National Budget. Noong 2022, ang premium mula sa mga direktang nag-aambag o sa mga pormal at impormal na nagtatrabaho ay umabot sa P136.715 bilyon, habang P80.064B ang nakolekta mula sa mga hindi direktang nag-aambag/gobyerno. Ang bayad sa mga claim para sa parehong taon ay umabot sa P129.629 Bilyon.
“Putting Philhealth under the Office of the President could make Philhealth and its funds more vulnerable to the “interests” of Malacanang officials and cronies,” anang HEAD.
Dapat igiit ng DOH ang mandato nito na I-regulate ang probisyon ng mga serbisyong pangkalusugan kabilang ang Philhealth at hindi hayaang paglaruan ito at gamitin para sa makasariling interes ng mga nasa kapangyarihan.
Para sa kapakinabangan ng masang manggagawa at para sa mas mahusay na pag-access ng mga serbisyong pampublikong kalusugan ng mga mamamayang Pilipino lalo na ng mga mahihirap na pasyente, hinihiling ng HEAD na ang mga pondong pangkalusugan ng publiko na inilaan ng Kongreso sa Philhealth ay dapat na direktang ilaan sa mga serbisyong pangkalusugan ng publiko, mga ospital at pasilidad sa ilalim ng DOH.
Ayaw natin maulit ang “Plan 5 million” ng Philhealth na ginamit noong 2004 presidential elections ni GMA para magapi ang kanyang mga katunggali.
Ayon sa ulat, namudmod ng 5 milyong Philhealth cards si GMA sa panahon ng kampanya na naging ugat ng pagkalugi ng ahensya dahil umabot sa bilyon-bilyong piso ang unpaid premiums na hindi sinagot ng isang civil society group.
Kung matutuloy na isailalim sa OP ang Philhealth, parang replay ito ng “Plan 5 million” at sa 2028 elections naman gagamitin ng magiging manok ng administrasyon.