
NI FERNAN ANGELES
SA kauna-unahang pagkakataon, isang dating pangulo ang sumipot sa pagdinig ng kongreso — ideyang isinulong ni Senador Ronald dela Rosa na mas kilala ng publiko sa alyas niyang Bato.
Sa hangarin linisin ang kanyang pangalan na idinawit ng mga resource persons na sumalang sa pagdinig ng quad committee ng Kamara, iminungkahi ni Bato ang pagkakaroon sariling pagdinig sa kontrobersyal reward system sa ilalim ng madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
Ang siste, hindi pumayag si Senate President Francis Escudero na si Bato ang manguna sa imbestigasyon ng senado. Tama nga naman… hindi pwedeng si Bato ang mag-imbestiga sa isyung siya mismo kabilang sa mga itinuturong kapural.
Tulad ng pangako ng pamunuan ng senado, ibinigay kay Duterte ang angkop na respeto bilang isang dating pangulo. Nang simulan ang pagdinig ng blue ribbon committee, binasa niya ang bitbit na dokumento kung saan binigyang-katwiran ang kabi-kabilang patayan (at pabuya) sa inilunsad na kampanya laban sa kalakalan ng droga.
Sa bandang huli, walang nagawa ang 79-anyos na dating pangulo kundi umamin. Tama ka… inako ni Duterte lahat ng kasalanan. Giit ni Digong, hindi mga mamamayan ang target ng giyera kontra droga kundi ang mga sindikatong naglipana.
Anang dating Pangulo, trabaho ng gobyerno puksain ang salot na droga – bagay na aniya’y kanyang ginampanan, sukdulan siya’y kamuhian.
Itinanggi rin niya ang tungkol sa Davao Death Squad (DDS) na ginamit niya sa pagpuksa sa kalakalan ng droga sa Davao City noong siya’y mayor pa lang.
Gayunpaman, kapansin-pansin na iba ang kanyang kwento sa labas ng binasang dokumento.
Katunayan, inamin din ni Duterte ang tungkol sa DDS na aniya’y binubuo noon ng mga pulis at civilian volunteers, sabay nguso kina Dela Rosa, retired Gen. Archie Gamboa, retired Gen. Debold Sinas, at retired Lt. Gen. Vicente Danao Jr.
Nakupu. Ito marahil ang bulong ni dela Rosa na nasa mismong pagdinig matapos ilaglag ng dating pangulo. Bakas sa kanyang mata ang taranta higit lalo’t hindi yan ang kanyang inaasahan nang itulak niya ang senate inquiry.
Sa isang banda, tama ang ginawa ni Duterte. Inunahan na niya si Bato na posibleng ilaglag din siya sa bandang huli para hindi madamay sa kasong nakabinbin sa International Criminal Court.
Isa lang ang malinaw, pinahamak ni Bato ang kanyang among nagdala sa kanyang kinalalagyan pwesto. Palibhasa bobo, dinaan na lang niya sa pabibo kaya ang resulta napahamak ang kanyang amo.
Sa ganang akin, hindi dapat pagkatiwalaan si Bato na hindi lang minsan ginawa ang pagkakanulo. Tama ba, former Senate President Juan Miguel Zubiri?