DEAD on the spot ang isang 4-anyos na batang lalaki, habang sugatan ang isa pang menor de edad matapos mawalan ng kontrol ang isang bus sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Kinilala ang nasawing biktima sa pangalang John Paul Pepito ng Barangay North Fairview. Patuloy naman ang paglalapat ng lunas sa 13-anyos na si Melody Pascua, estudyante at nakatira sa Barangay Commonwealth ng nasabing lungsod.
Agad na inaresto ang driver ng Golden Dragon Bus (NCI-3668) na si Paul Moises Penamente, 44-anyos ng Barangay Muzon, San Jose Del Monte, sa lalawigan ng Bulacan
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 6, bandang 7:30 ng gabi (May 4) nang mangyari ang aksidente sa harapan ng North Fairview Elementary and High School sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Sa imbestigasyon, binabaybay ng bus ang northbound lane ng Commonwealth Avenue nang bumangga sa bangketa ang bus na patuloy ang pag-andar hanggang sa mahagip si Pepito na naglalakad kasama ang hindi tinukoy na kasama.
Sapul din sa pagwawala ng bus si Padua na kalalabas pa lang di umano mula sa eskwela.
Sinalpok rin ng bus ang isang Mitsubishi Montero (AEA-4964) na nakaparada sa nasabing lugar.
“Ayon sa MMDA towing services, malakas naman ang preno at walang deperensya ang bus. Yun nga, human error talaga,” pahayag ni QCPD Traffic Sector 5 officer-in-charge Hermogenes Portes Jr.
“Pagkakamali ng driver talaga, neglect on his part. Walang diligence on his part masyado. Una niyang tinamaan yung 12 inches na gutter sa tulay. Then nag-bounce yung gulong, then tuloy sa biktima. Na hit nya… and then nasagasaan na,” dagdag pa ng opisyal.
Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property and Homicide with Physical Injury ang driver ng bus.