
Sa dami ng mga kandidato sa posisyon ng senador, kapansin-pansin na mas marami ang nakasandal sa popularidad, kapal ng mukha, kwarta at matamis na pananalita.
Meron din naman mga napilitan tumakbo dahil tapos na ang termino ng kadugo sa senado, tulad ng anak ni outgoing Senator Cynthia Villar na nagawa pang “mamangka sa dalawang ilog.”
Gayunpaman, meron pa rin naman karapat-dapat iluklok sa senado, tulad ni Benhur Abalos.
Bakit kamo? Trabaho ng senador bumalangkas ng batas, at pagdating sa batas, sino pa nga ba ang may mas malawak na pag-unawa? Hindi ba’t mga abogado?
Isang abogado si Abalos.
Higit pa sa pagiging abogado, ipinamalas ni Abalos ang husay nang manungkulan bilang alkalde ng Mandaluyong City, hanggang sa mahalal bilang congressman at italaga bilang Kalihim ng Department of Interior and Local Government.
Sa madaling salita, may karanasan na si Abalos sa dalawang sangay ng pamahalaan — sa executive branch (bilang mayor at DILG Secretary) at maging sa lehislatura (bilang kinatawan ng Mandaluyong City sa Kamara).
Sa kanyang panunungkulan bilang DILG Secretary, nakita kay Abalos ang tibay ng dibdib nang banggain ang mga prominenteng personalidad tulad nina dismissed Bamban Mayor Alice Guo, former Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr., Pastor Apollo Quiboloy, former Presidential Spokesperson Harry Roque, mga Chinese nationals sa likod ng illegal POGO, former Presidential Economic Adviser Michael Yang at marami pang iba.
Kapansin-pansin din na maging si former Vice President Leni Robredo kumbinsido sa kakayahan ni Abalos. Panawagan ng dating pangalawang pangulo sa mga kapwa Bicolano, iboto si Abalos bilang senador.
Pati ang mahaderang si Vice Ganda na kilala sa pagiging prangka, siya rin ang napupusuan iboto sa Mayo 12.
Pero teka, ano nga ba ang nasa “bucket list” ni Abalos sakaling makapasok sa Magic 12?
Ayon sa mga polyetong nakalap natin, target ni Abalos isulong ang reporma sa Rice Tariffication Law para sa sapat at abot-kayang pagkain, tax reforms kontra korapsyon sa gobyerno, low-cost housing para sa mga tunay na maralita, at marami pang iba.
Sa ganang akin, napapanahon nang ilaglag ang mga payaso, artista, mandarambong, land grabber, mamamatay tao at iba pang wala naman gagawing matino sa senado.